Friday, January 23, 2009

SIGANGSUITOR: maikling kuwento

SIGANGSUITOR

Ang Sampaguita Street dito sa amin sa Pasig ay pugad ng mga retiradong lola’t lolo, mga apo nilang may mga asawa na, mga sales lady, mga tambay na tanghali pa lang tumotoma na, mga land-ladies ng nabubulok na mga apartments, at ang mga tenants nilang live-in status, mga estudyanteng makikita mong naka-puting blusa at polo, naglalakad papuntang Sta. Lucia Elementary School. At higit sa lahat, ito ang pugad ni Mac-Mac.

Maliit si Mac-Mac, maitim ang balat, makapal ang buhok at sarat ang ilong. Walang mag-aakalang siya ang numero unang siga dito sa Sampaguita.

Taong 1991 nang lumipat ang pamilyang Nograles sa Sampaguita – si Mac-Mac, ang Tiya Melissa niya at si Mang Dolfo, isang pulis na na-destino sa Pasig. Isang linggo pa lang ang nakakalipas nang kumalat sa kalye naming ang bali-balitang patay na ang tatay ni Mac-Mac, samantalang nagtra-trabaho bilang domestic helper ang nanay niya sa Italy.

Noong ika-labingisang kaarawan niya, nagimbita si Tiya Melissa ng mga bata sa Sampaguita Street. Dumalo ako sa isang simpleng handaan ng spaghetti, fried chicken at puto. Nakalaro ko pa ng siya ng Mario Brothers. Siya si Luigi at ako naman si Mario. Unang impresyon ko kay Mac-Mac, mukha namang mabait, pero parating nakakunot ang noo. Para tuloy siyang laging galit sa mundo.

Hindi si Mac-Mac ang orihinal na siga sa Sampaguita. Yung pinaka-kinakatakutan ng lahat – si Toto. Labing-tatlong taong gulang pa lamang, mukha na siyang mama. Kaya laking gulat na lang namin nung minsang nabalitaang napatumba ni Mac-Mac si Toto sa isang no-holds-barred na sapakan. Agad-agad, nawala sa trono si Toto. Duguan ang ulo, nailipat ang korona ng pagka-siga kay Mac-Mac.

Doon nagsimula ang Golden Age ni Mac- Mac. Tiningala siya ng mga siga ng Dame de Noche, Dalia at Ilang-ilang street. ‘Di nagtagal, nabuo ang barkada ni Mac-Mac, mga tinaguriang “untouchables” sa baranggay namin. Isang tropa ng lalaking tulog sa umaga, at gising sa gabi. Tumatambay sa isang warehouse sa Dama de Noche, umiinom ng alak, nagsisgarilyo, at marahil, patikim-tikim ng bawal na gamot.

Naalala ko, isang gabi, bago ako matulog, may narinig akong kalampag sa labas. Basagan ng bote, kaskas ng tsinelas sa kalye, at sigawan. Kinaumagahan, nabalitaang naming nagkaroon ng rambol. Tropa laban sa tropa.

Mga panahong itong labing-tatlong gulang na ako, pinagbawalan na ako ng magulang kong lumabas-labas. Natatakot siguro silang matulad ako sa mga kabataan ng Sampaguita.

Isang araw, lumapit sa akin yung isang tropa ni Mac- Mac. May inabot na sulat. Isang berdeng stationary na amoy cologne. Nakangisi yung barkada niyang umalis. Sa loob ay nakasulat: Dear You, hope you won’t get offend, but crush na crush kita. Can I get your phone number? I love you. Love, Mac-Mac. Naramdaman ko na lang na namula yung pisngi ko. Tinago ko ang sulat, at wala akong sinabihan tungkol dito.

Isang linggo ang lumipas, nang tinawag ako ni Tiya Melissa habang bumibili ako ng dirty ice cream. Nagyayang mag-merienda ako sa bahay nila. Pumayag naman ako. Nandoon si Mac-Mac sa loob ng bahay. Patingin-tingin sa akin. Nung iniwan ako ni Tiya sa hapag-kainan, ni hindi man lang siya lumapit sa akin para sumabay kumain. Pero nung nagpapaalam na ako kay Tiya Melissa, bigla na lang siyang sumulpot sa pinto. Hindi pa rin nakatingin sa akin, kinuha niya ang kamay ko, at inilapag ang isang kuwintas. Simpleng itim na tela ang kuwerdas. Pero ang hindi ko malilimutan, yung pendant. Plastic na puso, na may kulay pula na tubig sa loob.

Noong ika-labingapat na kaarawan niya, nagpadala si Mac-Mac ng tatlong ice candy, isang slice ng cake na may tatlong bulaklak na icing at tatlong white roses. Nalaman ng Mama at Papa ko kasi sila ang tumanggap ng mga regalo. Humalakhak si Mama, umasim ang mukha ni Papa. Agad agad kong sinabi kina Mama na wala akong balak sagutin si Mac-Mac. Una, bata pa kami. Pangalawa, bakit ko naman sasagutin ang isang siga?

Lumipas ang mga taon. Naging abala ako sa pag-aaral. Wala mang kaibigan sa Sampaguita, may mga naging kabarkada sa pribadong paaralan kung saan ako lumipat. May sumunod na rin akong manliligaw. Isang estudyate sa isang pribadong paaralan sa Pasig. Malayo man sa asal ni Mac-Mac, ay hindi ko pa rin sinagot.

Paminsan, makakasalubong ko lang si Mac- Mac. Pauwi ng bahay mula paaralan, makikita ko siyang nakatambay sa kanto, naninigarilyo. Iba na ang itsura niya. Tumangkad, pumayat, tumangos ang dating sarat na ilong. Madungis, at may manipis na bigote. Bali-balita, napatalsik siya sa paaralan, dahil sa pagkalulong sa droga. Anim na taon na ang nakakalipas, pero siya pa rin ang numero unong siga sa Sampaguita.

Prologue:

Ngayon, 25 taong gulang na ako, parehong edad ni Mac-Mac ngayon. Matagal na silang lumipat ng bahay at umalis ng Sampaguita. Ang huling rinig ko, nasa rehab si Mac-Mac.

Minsan, sumagi na sa isip ko, paano kaya kung sinagot ko siya noon? Ano kayang buhay niya ngayon? Ano kayang buhay ko?

Paano nga kaya kung naging kami ng numero unong siga? Dadaplis ang isip ko dito, tapos mapupunta na sa ibang bagay.

No comments:

Post a Comment